Chapter 18 - Take Me Away

Dalawang araw akong hindi pumasok sa school para magmukmok lang sa kwarto ko. For the mean time, I stayed at my uncle's place at hinayaan na lang muna ako ni mommy na mapag-isa. Gusto ko kasing makapag-isip isip na muna at ayoko munang harapin si CK dahil sigurado akong pupuntahan niya ako sa bagay.

Natatakot ako. Hindi ko alam kung paano ko ba sasabihin sa kanya na kailangan ko na siyang bitawan. She kept on calling me, but I refused to answer her call. Siguro nakaramdam siya na gusto ko muna ng space kaya sa huli ay tumigil din ito. Nag-chat na lang siya sa akin na maghihintay siya hanggang maging okay ako.

Ganito ako kaduwag. Palagi na lang akong tumatakbo palayo. Kung gaano ako kalampa sa pagtakbo sa 60 meter dash, ang galing-galing ko namang tumakbo sa mga problema ko.

Wala ring magawa si mommy para pigilan ang kapatid ko. Masyado itong matigas at walang pinapakinggan. Ine-expect ko na 'yon. Wala nga siyang pakialam sa nararamdaman ko, kay mommy pa kaya na labis ang pagkasuklam niya dito? Ayoko nang maipit pa si mommy sa gulo sa pagitan naming magkapatid kaya nakiusap ako kay mommy na hayaan na lang si ate Ciara sa gusto nitong mangyari.

Sumapit ang Miyerkules, nakumbinsi rin ako ni uncle na pumasok na. Nagulantang din kasi ako sa binalita ni Belle.

CK was kicked out from the basketball team. Suspension lang dapat pero napagdesisyunan ng nasa itaas na i-kick out siya. Wala raw magawa ang coach nila dahil ang board of directors na ng school ang nagpataw nito.

Naghain kasi ng reklamo ang school ni Alex. Gusto nilang panagutan ni CK ang nangyari.

Hindi ko tuloy mapigilang mag-aalala. I know how much she loves playing in the court. Bahagi na ito ng buhay niya. Paano nila nagawang ipagkait sa kanya 'yon? Sana ayos lang siya.

Sa third subject ko na naisipang pumasok. Magang-maga pa rin ang mga mata ko dahil sa ilang araw na pag-iyak ko. Mabibigat ang bawat hakbang ko habang naglalakad ako sa may hallway. Malayo pa ako sa room namin pero naririnig ko na ang malakas na boses ni Belle. Para siyang may kaaway.

"Bakit mo nagawa sa amin 'to?!" Mas lumalakas pa ang sigaw niya at nakakaagaw na ng pansin ito. Galit na galit ang tono nito.

Parang may sariling buhay ang mga paa ko at mabilis na naglakad ito papunta sa room.

Nagkakagulo silang lahat. Iyon ang eksenang naabutan ko. Ilan sa mga kaklase namin ay nakahawak na sa magkabilang balikat ni Belle, para siyang may susugurin.

"Are you that desperate for money kaya pinagpalit mo ang friendship niyo ni Clio para lang maging tuta ng ate niya?! Sumagot ka!"

Napako ako sa kinatatayuan ko dahil sa pagdagundong ng boses ni Belle. Natigil sa paghakbang ang mga paa ko at nanatili lang ako sa may pintuan. Naguguluhang napatitig lang sa kanila.

"A-Anong ibig mong sabihin?"

Gulat na gulat silang dalawa nang mapatingin sila sa pinto at makita akong nakatayo na doon.

"C-Clio," nangingig ang bawat pagbigkas ni Yvette sa pangalan ko. Mabilis din siyang nag-iwas ng tingin sa akin at napayuko.

Wala mang lakas ang mga paa ko, sinubukan kong lumapit sa kanila. Ramdam na ramdam ko ang tensyon sa pagitan nila.

"Nag-aaway ba kayo?"

Imbes na sagutin ako, inabot lang sa akin ni Belle ang cellphone ni Yvette na hawak-hawak niya.

"That girl!" Dinuro-duro niya si Yvette. Pulang pula na ang mukha ni Belle sa galit at naiiyak na rin ito. "I caught her...nahuli ko siyang tinatawagan ng ate mo! Binabayaran siya ng kapatid mo para i-report niya dito ang lahat-lahat ng nangyayari sa'yo!"

Dumako ang tingin ko kay Yvette. Nanghihingi ng sagot kung tama ba ang naririnig ko, kung totoo ba ang siniwalat ni Belle ngunit nanatili lang itong nakayuko. Nagtataas-baba na rin ang balikat niya habang tuloy-tuloy ang pagtulo ng luha niya sa sahig.

Nanginginig ang kamay ko nang buksan ko ang cellphone ni Yvette. Bumungad agad sa akin ang mga palitan nila ng chat ate ko.

Naiiling-iling ako. Hindi matanggap ng kalooban ko ang mga nababasa ko. Hindi ako makapaniwala na magagawa niya sa akin 'to. Of all people, who would have thought that she would stabbed me at my back?

She's the one who sent that picture to my sister.

"Hindi lang 'yan! Siya rin ang nagbuyo sa ex mo, para lapit-lapitan ka pa ulit. And your sister..." Belle paused. Huminga siya ng napakalalim. Naglalandas na rin sa pisngi niya ang luha niya pero marahas niyang pinunasan 'yon. "Your sister is the reason why CK was kicked out from the basketball team! If only that girl didn't betray us, hindi naman dapat malalaman ng kapatid mo ang tungkol sa inyo ng pinsan ko!" Galit na galit na sigaw pa ni Belle. Humahangos na rin siya dahil sa kakaiyak.

Tila papanawan na ako ng ulirat. Nahigit ko ang paghinga ko. Sumisikip na naman ang dibdib ko.

"B-Bakit? Bakit mo nagawa 'yon, Yvette?" Hindi makapaniwalang tanong ko. Naghahanap ng kasagutan ang mga mata ko, nang magkaroon si Yvette ng lakas ng loob na salubungin ang titig ko.

"Y-You know my situation Clio...kinakailangan ko lang talaga ng pera," sagot niya sa pagitan ng mga hikbi niya.

"At ito 'yung paraan na nahanap mo?" nanghihina kong tanong.

Hindi ko na maitago ang pagkadismaya ko. Nanlumo ako lalo na ng dahan-dahan siyang tumango at muling yumuko.

"After that day, iyong nakita mo akong umiiyak. Ilang araw kang hindi pumasok, 'di ba? Nakatanggap ako ng chat sa ate mo nang araw na 'yon. Gusto niyang malaman ang dahilan kung bakit ayaw mo nang sumama sa kanya. Sabi ko wala akong alam. Then she offered to pay me. Napakalaking halaga ng ibabayad niya kaya hindi ko siya magawang tanggihan.

Inutusan niya ako na alamin ko ang lahat ng posibleng dahilan kung bakit sinusuway mo siya. Pumayag ako sa kagustuhan niya na maging mata niya ako sa'yo. Alam niya ang lahat, pati ang tungkol sa inyong dalawa ni CK. Inutusan niya rin ako na paglayuin kayong dalawa. Ayoko naman talaga eh, kaso nilunok ko ang pride ko dahil ayokong tumigil sa pag-aaral. Kailangan kong maging praktikal. Kailangan na kailangan ng pamilya ko ang pera."

"So mas matimbang sa'yo ang pera kaysa sa kaibigan?!" Belle yelled again. Halos mapaos na siya dahil sa lakas ng pagsigaw niya.

Hindi ako makapagsalita. Parang nauubos ang lahat ng lakas ko sa katawan dahil sa mga rebelasyon ni Yvette. All this time, alam na pala ng kapatid ko ang lahat. Kaya ba gano'n na lang ang pagmamadali niya na isama ako sa Canada?

"Sinubukan naman kitang pigilan no'n, 'di ba? Kaso nahirapan na akong paglayuin pa kayo ni CK."

So, kasalanan ko pa ngayon dahil hindi ako nakinig sa babala niya?

"Then one day nag-chat sa akin ang ex mo, hinihingi niya ang facebook account at number mo. Binigay ko sa kanya kasi naisip ko, kung sakaling magkita kayo ulit, baka magbago pa ang isip mo. Baka ma-realize mo na mahal mo pa siya, na baka naguguluhan ka lang talaga sa nararamdaman mo para kay CK.

"Pero mali pala ko. Huli na nang ma-realize ko kung gaano mo nga siya kamahal at hindi ko na mababawi pa ang pagkakamaling nagawa ko. Hindi ko na dapat sinend sa ate mo 'yong picture na 'yon. I'm sorry, Clio! I'm really sorry!" hagulgol niya. "Hindi ko naman alam na sa ganito hahantong ang lahat. Kung pwede ko pa sanang ibalik ang oras, itatama ko ang lahat ng mga nagawa ko."

Lumuhod sa harap ko si Yvette. Walang tigil sa pagtakas ang luha sa mga mata niya pero sa mga sandaling iyon, parang namamanhid na ako. Wala akong maramdaman na kahit ano para sa kanya.

"At sino ka para pakialaman ang buhay ko? Sino ka para husgahan kung tama o mali ang mga ginagawa ko?! At sino ka para ipagkait sa akin ang kaligayahan ko? Sino ka para gawin sa akin ang bagay na 'to?!" Kasing lamig ng yelo ang boses ko. Walang kahit na anong emosyon.

Matalim ko siyang tinignan. Kung nakakamatay lang ang tingin ko, baka namatay na siya.

Mas lalong lumakas ang paghagulgol ni Yvette. Nanghihina ang mga tuhod ko at hindi ko na kayang makita pa ang pagmumukha. Baka makagawa lang ako ng kung anong bagay na pagsisisihan ko sa huli.

Tinalikuran ko siya at muling hinakbang ang paa ko. Naramdaman kong matutumba ako kaya agad akong napahawak sa upuan. Agad naman akong nilapitan ni Belle para alalayan.

Tahimik lamang ang lahat ng mga kaklase ko habang nakamasid sila sa amin.

"Anong tinitingin-tingin niyo? Tapos na ang palabas! Tabi!"

Gulat na gulat ang mga kaklase ko dahil sa naging pagsigaw ko. Hindi nila akalain na si Clionna, ang tahimik at mabait nilang kaklase ay may kakayahan palang magalit.

Tao lang ako, at gaya ng iba napupuno at may hangganan rin ako.

***

Mag-isa akong nakaupo sa gazebo at nakatingin lang sa kawalan. Hindi na naman ako pumasok ngayon dahil hindi maayos ang pakiramdam ko. Nakiusap ako kay Belle na iwan muna niya akong mag-isa at kahit ayaw niya, pumayag rin ito.

Ngayon lumabas ang samu't saring emosyon na kanina ko pa pinipigilan. Ang sakit-sakit ng puso ko.

Ano bang nagawa kong mali? Bakit ko kailangang maranasan ang mga ito? Hindi ba talaga ako pwedeng maging masaya na walang nasasaktan na ibang tao?

Napahawak ako sa dibdib ko. Nahihirapan na akong huminga. Walang tigil sa pag-alpas ang mga luha sa mata ko na parang hindi na nauubos. Para itong nakabukas na gripo na wala nang tigil sa pag-agos. Pagod na ako sa lahat ng sakit. Gusto ko na itong matapos.

Sa dami ng mga iniisip ko, hindi ko na namalayan ang pagdating ni CK sa gazebo. Naramdaman ko na lang na ikinulong niya ako sa mga bisig niya. Mas lalo akong naiyak nang marinig ko na ang boses niya.

Akala ko galit siya dahil ilang araw ko siyang iniwasan. Sa kabila ng lahat, hindi siya nagtatanong kung bakit ko ginawa ang bagay na 'yon.

"Sabi ni Belle pumasok ka raw at nag-iisa ka dito. Bakit ka umiiyak? May nangyari ba?" nag-aalalang tanong niya.

"Sorry...sorry!"

Para akong batang umiyak lamang sa harap niya. Wala na akong matagpuan na salita. Tanging paghingi lamang ng tawad ang lumalabas sa bibig ko.

Masuyong hinaplos-haplos ni CK ang buhok ko kaya unti-unting kumakalma ang puso ko. Isang haplos at yakap lang niya, iyon lang ang kailangan ko para umayos ulit ako.

"Dahil ba 'to sa na-kick out ako? Sabi ko kay Belle, huwag na lang sabihin sa'yo. Daldal talaga no'n. Tahan na, please. Alam mo namang ayaw kong nakikita kang umiiyak," pakiusap niya.

Bahagya akong kumalas sa mga yakap niya. Hindi ko siya magawang tignan sa mga mata niya. Kasalanan ko. Ako ang dahilan kung bakit siya naalis sa basketball team.

"A-Ang dami-daming problema. P-Pagod na ako," pag-amin ko. Basag na ang boses ko dahil sa pag-iyak ko.

Dahan-dahang bumaba ang mukha ni CK. Marahang hinahalikan ang pisngi ko kung saan patuloy na naglalandas ang luha ko.

"I'm here. Kung pagod ka na sa problema, hayaan mong ako ang pumasan nito."

Umiling-iling ako. Hindi. Hindi ko kaya na ikaw ang nahihirapan. Hindi na baleng ako na lang ang masaktan, huwag lang ikaw. Huwag lang ikaw.

"Gusto kong panandaliang kalimutan ang lahat, gusto kong tumakbo palayo. Gusto kong pumunta sa lugar kung saan pwede akong sumaya. I want to run away, somewhere far away. Sasamahan mo ba ko?"

Nagugulugang tumitig sa mga mata ko si CK pero sa huli, binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti bago tumango.

"Take me away. Kahit saang lugar, basta kasama kita. Malayo dito. Malayo sa lahat ng problema. Doon tayo sa lugar na walang ibang inaalala kundi tayong dalawa lang. Take me away, CK. Please?" I begged desperately.

She gathered me inside her arms once again as I felt her lips on the top of my head. "May alam akong lugar, gusto mo bang sumama ba do'n?"

Sunod-sunod na pagtango lang ang tinugon ko sa kanya. Kahit saang lugar niya ako dalhin, bukal sa loob na sasama ako.

***

"Mag-iingat kayo, ha. Tawagan niyo na lang ako kapag nando'n na kayo sa pupuntahan niyo. Mag-ingat sa pagda-drive, CK, ha. Ingatan mo ang anak ko."

"Opo tita, alis na kami."

Naririnig ko ang mga bilin ni mommy mula sa nakabukas na bintana ng kotse ni CK. Hindi na kami pumasok ngayong araw. Umuwi na kaming dalawa ni CK para kumuha ng gamit.

Dalawang araw kaming mawawala. Dalawang araw kaming tatakas mula sa magulong mundo ko ngayon.

Dumako ang tingin ni mommy sa akin at matamis na ngumiti ito kaya sinuklian ko rin siya ng isang ngiti na puno ng pasasalamat. Si mommy lang ang kakampi ko, si mommy lang ang nakakaintindi sa akin bukod kina CK at Belle.

Matapos makapagpaalam, pumasok na sa kotse si CK at sinimulang paandarin na ang sasakyan niya.

"Tulog ka muna, love. Matagal-tagal ang biyahe natin,” baling niya sa akin.

"Saan tayo pupunta?"

"Sa hometown ng lolo't lola ko. Sa Horencio. Promise, you will love it there."

"Kahit saan pa 'yan, basta ikaw ang kasama ko, siguradong magugustuhan ko doon," malambing na sambit ko.

"Damn! I miss you so much!" Tumingin siya sa akin at nag-puppy eyes. "Can I kiss you?"

"Mag-drive ka muna. Mamaya ka na lumandi," biro ko na lang.

Narinig ko siyang bahagyang tumawa pero wala talagang makakapigil kapag ginusto niya. Saglit niyang itinigil ang kotse niya para iparada muna. Hindi pa nga kami nakakalabas ng subdivision.

May pilyong ngiti sa labi ni CK nang humarap siya sa akin. Nilapit ko ang sarili ko sa kanya at ginawaran siya ng halik sa labi niya. Ipinulupot niya ang kamay niya sa bewang ko para mas ilapit pa ako.

Our kiss were passionate and needy. Parang ang tagal naming naging uhaw sa labi ng isa't isa. Tinapon ko sa kung saan ang lahat ng mga gumugulo sa utak ko at hinayaang tunawin ng halik niya ang lahat ng pangamba sa puso ko.

Parehas kaming hingal na hingal ni CK nang matapos ang mainit naming halikan. Hihirit pa sana ito ng isa pang halik pero kinurot ko siya sa tagiliran.

"Mag-drive ka na," pataray na utos ko sa kanya.

Para naman siyang masunuring bata na bumalik sa pagda-drive. Inabot niya ang kamay ko at paulit ulit na pinapatakan ng halik iyon.

Kahit panandalian lang, kakalimutan muna namin ang lahat.

***

"Love, gising na. Nandito na tayo."

Nagising ako nang mahinang yugyugin ni CK ang balikat ko. Pupungas-pungas pa ako nang mapatingin ako sa kanya. Para siyang siraulo na naman na tumatawa.

"Grabe ka matulog, love. Ang hirap mo palang gisingin. Nakailang nakaw na ako ng halik sa'yo, hindi ka pa rin nagigising."

Sinamaan ko siya agad ng tingin at pinaghahampas-hampas siya sa balikat. Hindi pa ako nakuntento, inabot ko ang ponytail ng buhok niya at sinabunutan siya. Kakaasar siya!

"Joke lang, love. Aray! Bitaw na, bitaw na. Joke lang, hindi kita hinalikan! Promise!"

Pinaningkitan ko siya ng mata. "Talaga?"

"Yes! Promise! I can't take advantage of you, you know that."

Binitawan ko na siya at sumandal na ulit sa upuan ko. Hindi ko mapigilang matawa nang pagmasdan ko ang itsura niya. Gulo-gulo ang buhok niya pero maganda pa rin.

Tinanggal na lang niya ang pagkakatali ng buhok niya at inilugay iyon. Sinuklay-suklay niya ang nagulo niyang buhok gamit ang kamay niya.

"Pasok na tayo sa loob para makapagpahinga na tayo," aya niya.

Tinulungan niya muna akong tanggalin ang seatbelt na nakakabit sa akin bago siya bumaba para pagbuksan ako ng pinto at alalayan pababa.

Ang sweet talaga ng mahal ko.

Umihip ang malamig na hangin kaya napayakap ako sa sarili ko. Saglit kong tinignan ang suot-suot kong relo. Pasado alas-dose na pala. Mahigit apat na oras din pala ang naging biyahe namin.

Kinuha ni CK ang mga duffle bag namin mula sa compartment ng kotse niya na nakagarahe na pala. Puro damit lang ang laman ng bag namin at ilang pagkain na pabaon ni mommy.

Nilibot ko ang tingin ko. Nasa harap na pala kami ng isang semi-bungalow na bahay.

"Kaninong bahay 'to?" Hindi ko na napigilan ang sarili ko na magtanong.

"Family friend. Malapit na kaibigan ng mga lolo't lola ko ang nagmamay-ari ng bahay na 'to, pero ngayon 'yung apo na ng may-ari ang nakatira dito. Mabait 'yun si ate Jeca. Kauuwi niya lang galing U.S," mahabang paliwanag niya.

Napakapit na lang ako sa braso ni CK nang muling umihip ang hangin. Grabe ang lamig! Para kaming nasa Baguio dahil sa sobrang lamig.

Pagkatapos ng ilang pagpapatunog ni CK ng doorbell, biglang bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang isang magandang babae. Mahaba ang blonde na buhok nito. Nakapantulog lamang ito pero ang classy niya pa ring tignan.

"Sobrang ginabi na ata kayo? Tara pasok sa loob," anyaya nito.

Sumunod naman kami sa kanya dahil hindi ko na kaya ang matinding lamig sa labas. Iginiya niya kami sa malawak na sala ng bahay niya. Halatang mamahalin ang mga gami sa loob ng bahay pati ang bawat painting na nakasabit sa dingding.

"Dalaga ka na, ah! Parang kailan lang ang liit-liit mo pa," natutuwang bati nito kay CK.

Mukhang close talaga sila.

"Ate, binata." CK corrected. Medyo nagulat pa 'yong magandang babae pero ilang sandali lang ay mahina itong tumawa.

"So who's that girl? Your girlfriend?" tanong nito. Dumako ang tingin niya sa akin. Nakakagaan ng pakiramdam ang ngiti niya.

"This is Clio, my girlfriend," CK introduced me proudly.

"I'm Jeacelle, but you can call me ate Jeca na lang. Para na akong nakatatandang kapatid niyan ni CK kaya huwag kang mahiya sa akin, okay?"

"Thanks po, for letting us stay," magalang na sagot ko naman.

"Wait! Hindi naman siguro kayo nagtanan, no? Naku, hindi ko kayo kukunsintihin kapag 'yon nga ang dahilan ng pagpunta niyo rito."

"Chill lang ate Jec, two days lang kami dito. We just want to take a break from life. Alam mo na," maagap na sagot pa ni CK.

Para namang nakahinga ng maluwag si ate Jeca.

"Okay sabi mo, eh. Ready na 'yung kwarto sa taas. Bukas na lang tayo magchikahan ulit. At CK ha, 'yung usapan natin. Hindi dapat makarating kay mommy na nakabalik na ako ng Pinas. Wala ka ring pagsasabihan sa kahit na sino, maliwanag ba?" paglalatag pa nito ng kondisyon.

Kahit hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila, tumango na lang din ako gaya ng pagtango ni CK.

***

"Can't sleep?" tanong ni CK na nakahiga lang sa tabi ko.

Naalimpungatan ata siya dahil hindi ko pa rin pinapatay ang ilaw ng kwarto. Hindi kasi ako sanay matulog na hindi nakabukas ang ilaw, kabaligtaran naman ni CK. Hindi naman siya makatulog kapag bukas ang ilaw.

Nakaupo ako at nakasandal sa headboard ng king size bed habang nagbabasa ng libro para magpaantok. Alas-tres na ng madaling araw pero hindi pa rin ako makatulog. Siguro kasi tulog na tulog ako sa biyahe kanina kaya ngayon hindi na ako dinalaw ng antok.

"Tulog ka na, magbabasa lang ako saglit."

Imbes na sundin ang sinabi ko, bumangon si CK sa pagkakahiga at umupo sa tabi ko. Sumandal din siya sa headboard gaya ko.

"Namamahay ka, no?"

Umiling ako. "Hindi naman. Hindi lang ako makapaniwala na nakapag-out of town ako na hindi kasama si mommy. Pakiramdam ko napakalaya ko ngayon."

Naramdaman ko ang pag-akbay ni CK sa akin at hinila ako pahiga. Hindi na ako umangal sa ginawa niya. Isinara ko na lang ang librong hawak ko at ipinatong sa bedside table.

Nakaunan ang ulo ko sa balikat ni CK at iniyakap naman niya sa bewang ko ang isa niyang kamay.

"Para tayong bagong kasal at ngayon 'yung honeymoon," bulong niya.

Kinurot ko naman siya agad sa tagiliran niya. Puro talaga siya kalokohan.

"Matulog na nga tayo."

"Okay, love. Sleep na tayo." Masuyo niyang hinalikan ang tuktok ng ulo ko.

Kinakantahan niya ako ng lullaby habang hinahaplos ang buhok ko kaya nakaramdam na ako ng antok. Ilang sandali lang ay napapapikit na rin ako. Yumakap ako pabalik kay CK at mas isiniksik pa ang sarili ko sa kanya. Nakatulog na lamang ako na may maliit na ngiting sumilay sa labi ko.

Next chapter