Chapter 19 - It Ends Here

Totoo nga ang sinabi ni CK. Maganda sa bayan ng Horencio. Napakatahimik at magiliw ang mga tao rito. Para ngang wala ako sa probinsya dahil napaka-civilized na ng lugar na ito. Maraming matataas na building at maraming mga bagong bukas na establishment.

"Gusto mo bang kumain muna? May sinuggest sa akin si ate Jeca na cafe, gusto mong puntahan?"

Tango na lang ang naisagot ko kay CK. Nakadungaw kasi ako sa bukas na bintana ng kotse. Masyado kasi akong na-aamaze sa paligid.

Hindi na nga ito isang panaginip, wala na nga talaga ako sa amin dahil ibang tanawin na ang nakikita ko. Masarap din ang simoy ng hangin na dumadampi sa mukha ko. Fresh air, hindi gaya sa Manila sobrang polluted. Crowded pa ang kalsada sa Manila, hindi gaya dito sa Horencio, walang traffic. Kakaunti lang din ang sasakyang dumadaan, pwede ka na ngang humiga sa kalsada dahil napakaluwag nito.

"Are you happy?" tanong ni CK.

Sumandal ako sa upuan at nilingon siya.

"Super happy!" I beamed.

Nakita ko naman ang masayang pagngiti niya mula sa rear view mirror. Tulad ko nag-uumapaw din ang kaligayahan niya. Nakatitig lamang ako sa kanya habang siya naman ay naka-focus lang sa pagmamaneho.

"Bakit?" tanong niya ulit nang maramdaman niya na kanina pa ako nakatingin sa kanya.

"Nothing. I just like staring at you."

I heard her chuckled. "Deja vu."

"Huh?" Naguguluhang tanong ko sa kanya.

Nilingon naman niya ako. Her boyish smile plastered on her face. "Hindi mo naaalala? Noong unang beses kitang inihatid sa inyo noong injured ka? Sinabi ko rin sa'yo 'yan, 'di ba?" paliwanag niya.

Hinanap ko sa kasulok-sulukan ng utak ko ang memorya na 'yon. Napangiti na lamang ako nang maalala ko.

Iyon 'yung unang beses na nakaramdam ako ng kakaibang pintig sa puso ko, noong sinabi niya ang mga salitang 'yon.

"Bakit ngayon lang? Bakit ngayon ka lang nagpakilala? Sana dati pa," wala sa loob na tanong ko habang pinapark na ni CK ang kotse sa tapat ng isang cafe.

Bumakas ang pagkabigla sa mukha niya nang pagkatitigan niya ako. Hindi niya siguro inasahan na magtatanong ako ng gano'n sa kanya. Mataman niya kong tinignan, punong-puno ng emosyon ang magagandang mata niya, na kahit kailan ay hindi ako magsasawang pagmasdan.

Narinig ko pa ang marahang pagbuntong-hininga niya bago siya nagpasyang sagutin ang tanong ko.

"Masyado akong naduwag noon. Natakot akong masaktan dahil alam kong hindi lang basta crush lang ang nararamdaman ko para sa'yo. Para sa akin, para kang maningning na star sa langit. Out of my reach, and I was out of your league. Sino ba naman ako para magustuhan mo, 'di ba?" saglit siyang tumigil. Tila may panghihinayang rin siyang naramdaman.

"Isinuko ko itong nararamdaman ko at nakuntento na lang ako na pagmasdan ka sa malayo. Sinubukan kong ibaling sa iba ang atensyon ko, baka sakaling mawala itong nararamdaman ko sa'yo, pero hindi ka na umalis sa puso't isip ko. Kaya siguro nagkaroon ako ng maraming fling kaso hindi talaga kita mapalitan, eh. Ikaw lang talaga ang gusto ko.

Nang magkaroon ako ng chance na mapalapit sa'yo, hindi ko na sinayang ang pagkakataon na 'yon. Sabi ko sa isip ko, hindi na ko maduduwag ulit. Bahala na, basta mahal kita. Suklian mo man o hindi."

Nabasa ang pisngi ko dahil sa luhang tumatakas sa mata ko. Hindi ko na namalayan na umiiyak na pala ako.

Mahal ako ni CK. Ang tagal-tagal na panahon na pala niya akong minamahal.

"Hey, don't cry." Tinuyo niya ang luha ko gamit ang daliri niya.

"Masaya lang ako...sobrang saya ko kasi hindi mo ako sinukuan. Thank you kasi hindi ka napagod sa paghabol sa akin," sambit ko sa pagitan ng mga hikbi ko.

She pulled me into a tight hug. It was warm, full of love. "Shh. You are the girl worth chasing. I love you so much, Clio."

"I love you, so damn much." I whispered back.

Mahal ko siya. Mahal na mahal. Ngunit may bahagi sa utak ko na hinihiling ko na sana hindi na lang ako 'yung babaeng minahal niya, para hindi na siya masasaktan.

Pakiramdam ko, hindi ko deserve ang isang tulad niya.

***

Pinasuot ni CK sa akin ang baon niyang shades. Nahihiya kasi akong lumabas sa kotse niya dahil pulang-pula ang mga mata ko dahil sa pag-iyak. Kainis.

"Iyakin talaga ng mahal ko," pang-aasar niya pa nang umakbay siya sa akin at pinisil ang tungki ng ilong ko.

Napairap na lang ako sa kanya kahit hindi niya makita 'yon dahil sa shades na suot ko.

"Ikaw kasi pinapaiyak mo ko!"

"Hindi ko naman kasalanan kung naiyak ka na dahil sa sobrang kilig. Gano'n ka na pala kiligin ngayon?"

Sinuntok ko siya sa braso niya at itinulak palayo sa akin. "Napaka mo! Huwag na huwag mo kong hahawakan ngayon! Badtrip ka!"

Nilayasan ko siya at nauna na akong pumasok sa loob nung cafe. Hinabol naman agad ako ni CK. Nagpapa-cute ang walang hiya pero hindi ko siya pinansin. Nagtuloy-tuloy ako papunta sa counter para umorder.

Nilibot ko ang paningin ko. Ang cute ng cafe, kulay pink ang lahat ng gamit.

"Hello ma'am! What's your order?" bati agad nung babae sa counter.

"Two frapuccino, 1 blueberry cheesecake and 1 chocolate cake."

"Epal," bulong ko na lang. Si CK kasi ang sumagot, ako kaya 'yung tinatanong.

"Sorry na, love." Niyakap niya ako mula sa likuran at pinupog ng halik ang kanang pisngi ko. Hindi na ako umangal. PDA na kung PDA. Wala namang nakakakilala sa amin dito saka mukhang kami lang 'yung customer ngayon.

"Ang sweet niyo naman," komento nung babae sa counter. Parang kilig na kilig siya.

"Ang ganda ng girlfriend ko, no?" pagmamalaki pa sa akin ni CK.

Mas lalo tuloy kinilig 'yung babae. Panay din ang pagsulyap niya kay CK habang ginagawa 'yung order namin. Gusto ko tuloy lagyan ng sako ang mukha ni CK. Kainis.

Bakit kasi ang ganda-ganda at ang astig ng mahal ko? Ang dami tuloy nahuhumaling.

Nang makuha ang order namin, umupo kami ni CK malapit lang sa may pinto ng cafe. Binuhat niya 'yung isang upuan para itabi sa akin para malapit lang kami sa isa't isa. Clingy masyado. Nakaakbay siya sa akin the whole time na kumakain ako, tapos sinusubuan ko na lang siya.

She's kinda right though, para kaming bagong kasal na nasa kalagitnaan ng honeymoon namin. Sana nga gano'n, pero alam ko naman na matatapos din ang kasayahan na 'to.

"Excuse me!"

Sabay kaming nag-angat ng tingin ni CK nang may tumawag sa atensyon namin. Kunot-noo kaming napatingin sa waitress na nakatayo sa harap namin. May hawak-hawak itong polaroid camera.

"Gusto niyo bang picturan ko kayo? Para sa susunod na pagpunta niyo rito, mare-recall niyo 'yung happy memories niyo together," nakangiting sambit nito. Tila manghang-mangha siya sa amin.

Itinuro niya 'yung isang malaking board na nakadikit sa pader sa may gitnang bahagi ng cafe. Para ngang may mga nakadikit na mga pictures do'n.

"Sure! Okay lang ba, love?" CK turned to me. I nodded slowly.

"Okay, smile. Dalawang shot 'to."

Nanatiling nakaakbay pa rin sa akin si CK habang inaanggulo ng waitress 'yung camera. Kinuha ni CK ang isang kamay ko at dinala 'yon sa mga labi niya, kasabay ng pag-click ng camera. That was our first shot.

Iyong pangalawa naman, hinalikan ko siya sa pisngi. Hindi niya inaasahan 'yon kaya gulat na gulat siya. Tawa ako nang tawa nang makita ko na ang picture naming dalawa. Ang wacky tuloy ng kinalabasan nung pangalawang picture kasi napanganga siya sa gulat.

May pinahiram sa amin na sharpee yung waitress para masulatan namin yung space sa baba ng picture namin.

Parehas kami ng isinulat ni CK. Simple lang ngunit malalim ang kahulugan para sa amin.

520. Forever 520.

"Balik tayo dito next year?"

Malungkot na napangiti na lang ako habang dinidikit na namin sa board ang litrato naming dalawa. Hinihintay ni CK ang sagot ko kaya tumango na lamang ako.

Next year. Imposibleng makabalik pa kami dito. Mukhang mananatiling isang magandang alaala na lang talaga ito para sa amin.

***

"Uy, lovebirds! Mukhang nawili kayo sa pamamasyal ha," bati agad sa amin ni ate Jeca nang pumasok kami sa bahay nila.

Alas-otso ng gabi na kasi kami naka-uwi dahil kung saan-saan ako dinala ni CK matapos kamimg tumambay sa cafe.

"Napatagal kami doon sa cafe na sinuggest mo. Ito kasing girlfriend ko panay selfie sa loob. Mahilig kasi 'to sa kulay pink," pambubuko ni CK. Napasimangot na lang ako sa kanya.

"Kumain na ba kayo?"

"Opo ate," magalang na sagot ko.

"Hay. Buti pa kayo. Nag-try akong magluto kanina pero fail. Oorder na lang siguro ko."

"Hala ate, huwag na. Ipagluluto na lang kita," pigil ko sa kanya nang akmang tatawag na siya sa phone niya para umorder.

Nagningning naman ang mga mata niya. "Talaga? You know how to cook?"

"Oo nga pala ate Jec. Masarap magluto 'tong girlfriend. Baka makalimutan mong pangalan mo."

Nambola pa ang loka.

"Mukha nga. Mukhang masarap din magmahal girlfriend mo, no?" pang-aasar pa ni ate Jeca.

"Masarap din humalik," mahinang bulong naman ni CK sa tainga ko.

Mabilis na nag-init ang mukha ko. Nakakahiya! Tinapakan ko ng madiin ang paa niya dahil sa inis. Bwisit talaga siya. Si ate Jeca naman patawa-tawa lang.

Tumakbo na lang ako papunta sa kusina ng bahay. Mukhang disaster nga ang nangyari dito dahil ang dami-daming kalat.

Nang makapagluto na ako, inulan naman ako ng maraming compliment nang matikman na ni ate Jeca ang niluto kong chicken adobo. Mukhang nagustuhan niya talaga dahil naparami ang kain niya.

Matapos niyang makapag-hapunan, tumambay naman kami sa sala nila ate Jeca at magdamag lang na nakipagkwentuhan kami sa kanya. Kilig na kilig siya habang proud na proud na kinukwento ni CK ang story naming dalawa. Napapangiti na lamang ako habang naalala ko ang lahat.

Masaya ako na nakilala ko si CK at dumating siya sa buhay ko. She's the best thing that ever happened to me. Those memories I've shared with her even just for a brief time, will be forever curved in my heart.

520. Forever 520.

***

Bakit pakiramdam ko dinadaya kami ng mundo? Napakabilis ng naging pag-ikot nito na parang minamadali ako. Pangalawang araw na namin dito sa Horencio at babyahe na kami ni CK ngayong gabi pero parang ayoko nang umuwi.

Saglit ko lang nakasama si ate Jeca, pero napalapit na agad ang loob ko sa kanya. Sana nga marami pa kaming oras na nagkasama, kaso wala, eh. Kinakailangan ko na talagang bumalik.

Kung pwede ko lang ayain si CK na itanan ako nang makalayo-layo na kami, ginawa ko na. Kaso ang selfish naman no'n. Marami pang taong maapektuhan kapag ginawa namin ang bagay na 'yon. At ayoko namang masira ang buhay niya nang dahil lang sa akin.

"Ang tahimik mo na naman. Natatakot ako kapag bigla kang tumatahimik. Hindi ko kasi alam kung anong tumatakbo sa isip mo," basag ni CK sa malalim na pag-iisip ko.

"Wala lang. Ang bilis kasi ng araw. Kulang na kulang," ngumiti ako sa kanya. Pinilit kong huwag ipahalata ang lungkot na nararamdaman ko.

Magkahawak-kamay kaming naglalakad ni CK sa dalampasigan. Pahigpit nang pahigpit ang hawak ko sa kamay niya, na parang wala na akong balak pakawalan ito. Tumigil kami saglit sa paglalakad para pagmasdan ang papalubog na araw. Kung pwede nga lang sanang pigilan na lang ito sa paglubog dahil natatakot ako sa susunod na pagsikat nito. Ayoko nang dumating pa ang bukas.

Pero wala akong kapangyarihan na pigilan ang dapat mangyari. Tuluyang lumubog ang araw, kasabay ng paglubog ng natitirang pag-asa ko.

Tapos na ang dalawang araw. Babalik na kami sa reyalidad.

Malakas na humampas ang alon sa dalampasigan at tumama 'yon sa paa ko. Hinila ako ni CK para lumayo, pero nanatili akong nakapako sa kinatatayuan ko. Hinayaan ko nang mabasa ang pantalon na suot-suot ko.

"Hey, let's go." Hila pa ulit ni CK pero hindi ako sumunod. Nanatiling nakatitig lang ako sa malawak na karagatan.

"Sana maging katulad ako ng alon sa dagat," I said out of the blue.

Muli akong tinabihan ni CK. "Bakit?" she asked, confused.

"Kasi kahit umalis ito, malayo man ang marating nito, babalik at babalik pa rin siya upang humalik sa dalampasigan."

At ikaw ang dalampasigan ko. Pero hindi ako isang alon sa dagat, aalis ako at hindi na muling babalik.

"Ang weird mo ngayon."

"Hormones. Magkakaroon na ata ko," biro ko na lang. Nagkunwari pa akong tumawa habang pasimple kong pinupunasan ang luhang pumatak sa mata ko. Mabuti na lang at dumidilim na kaya hindi niya ito napansin.

"Let's go home," yakag niya. Inakbayan na niya ako at iginiya sa kung saan nakaparada ang kotse niya.

***

Hindi ako mapakali habang nasa biyahe kami ni CK. Tumawag si mommy sa akin. Aligaga ito at pinagmamadali niya akong umuwi. Wala naman siyang sinabi sa akin kung bakit.

Ihahatid pa sana ko ni CK hanggang sa bahay pero tinanggihan ko ito. Mabuti na lang at hindi na siya nangulit. Mukhang pagod na rin naman siya mula sa pagda-drive ng apat na oras. Pinatigil ko na lang sa harap ng subdivision namin ang sasakyan niya.

Nang makapasok ako sa bahay, halos gumuho ang mundo ko nang madatnan ko ang malalaking maleta ko na nakababa sa sala. Nakatayo sa tabi no'n ang taong kinatatakutan ko.

"A-Ate."

Masyado akong nagulat sa pagdating niya kaya bahagya akong nanigas sa kinatatayuan ko. Hindi pa ako nakakabawi sa gulat ko nang bigla na lamang siyang lumapit sa akin at sampalin ako ng ubod ng lakas.

"Ciara!" Napasigaw na lang din si mommy sa ginawa ng kapatid ko sa akin.

"Hindi ba sinabi kong hiwalayan mo na ang babaeng 'yon?! At talagang sumama ka pa sa kanya?! Hindi ka na ba talaga makikinig sa akin?!"

Nanginig ang buong katawan ko dahil sa sigaw niya na punong-puno ng galit at labis na pagkadismaya. Napahawak ako sa pisngi ko. Masakit ang sampal niya pero walang-wala 'yon sa sakit na naidulot niya sa puso ko.

Tumingin ako sa kanya. Madilim ang ekspresyon ng mukha niya. Wala akong makitang kahit anong pagmamalasakit do'n.

Bumalik sa isipan ko ang lahat ng mga ginawa niya. How she used my friend to turned her against me. How CK was kicked out from the basketball team because of her. I'm sure she used her connections to pull some strings, to make things fall according to her plan.

Ang selfish niya. Ang selfish niya. Kapatid niya ako, paano niya ako nagagawang saktan ng ganito?

"Mahal ko si CK," matigas ang pagkakasabi ko. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas para labanan ang matalim na titig ng kapatid ko.

Muli niyang inangat ang kamay niya para sampalin ako ulit, pero humarang sa harap ko si mommy. Sa pisngi niya lumapat ang palad ng kapatid ko. Pinoprotektahan na naman niya ako.

Gano'n ako kahina. Hindi ko kayang ipagtanggol man lang ang sarili ko kaya lagi na lang may ibang tao na sumasalo sa akin.

"Sumusobra ka na, Ciara! Ayos lang sa akin na bastusin mo ako. Ayos lang sa akin kung sagad sa buto ang galit mo sa akin, pero ang saktan mo sa harapan ko ang anak ko, hinding hindi ako makakapayag do'n!" Tila naputol ang pagtitimpi ni mommy. Sa tanang buhay ko, ngayon ko lang narinig na sumigaw ang mommy ko.

"Anak? Wala kang anak! Hindi mo siya kadugo," pagak na tumawa ang kapatid ko. Mas lalo siyang nagngitngit sa galit.

Nasasaktan ako para kay mommy. She doesn't deserve this disrespect.

"Pwede bang huwag ka na lang makialam? This is a family matter. Labas ka na dito! Gagawin ko kung anong sa tingin kong makakabuti sa kapatid ko!"

Hindi nagpatinag ang kapatid ko. Puno ng pagkasuklam niyang tinapunan ng tingin si mommy. Wala na talaga itong pinapakinggan. Masyado na siyang binulag ng galit niya.

"Kasalanan mo 'to, eh. Siguro kung anu-ano ang pinapasok mo sa utak ng kapatid ko kaya nagkaganyan," paninisi niya. "Kinukunsinti mo pa sa mga kalokohan niya, imbes na sawayin mo! Isang malaking pagkakamali talaga na pinakasalan ka ni daddy."

Natahimik si mommy. Gumuhit sa mga mata niya ang labis na sakit ngunit mas pinili niyang maging matatag sa harap ko.

"Ate, tama na please," pagmamakaawa ko.

Okay lang sa akin na ako ang saktan niya. Huwag lang ang mga taong sobrang iniingatan ko.

"Kung nakikinig ka sa akin hindi tayo aabot sa ganito, Clionna!" Muling dumagundong ang mala-kulog na boses niya.

Napahawak na lamang ako sa dibdib ko. Ramdam na ramdam ko ang pagkirot nito. Muli kong binuka ang nanginginig kong labi. Saglit na kinalimutan ang takot ko.

"Parati naman akong nakikinig sa'yo. Minsan lang naman ako sumuway. Bakit hindi mo pa ako pagbigyan?" Halos bulong na lang ang boses ko. "Buong buhay ko naman ginagawa ko ang gusto mo. Buong buhay ko hinayaan kong kontrolin mo ako, pero ni minsan hindi ako nagreklamo. Sobrang takot akong maging disappointment lang sa mga mata mo, kaya ginawa ko ang lahat ng magpapasaya sa'yo. Pero minsan ba, natanong mo ba ako kung naging masaya ba ako sa mga pinapagawa mo?"

Hindi ko na napigilan ang paglabas ng hinanakit na kinimkim ko sa loob ng napakahabang panahon. Para akong isang bulkan na sumabog.

Nakita ko kung paano napaawang ang bibig ng kapatid ko. Hindi rin nakatakas sa mga mata ko ang pangingilid ng luha sa mata niya. Akala ko lalambot siya pero mali ako. Mas lalo siyang sumiklab sa galit.

"Sure. Madali akong kausap. Manatili ka dito kung gusto mo, pero sinisiguro ko sa'yong hindi lang ang babaeng 'yon ang magsu-suffer! Ito ang gusto mo, 'di ba?" mapanghamon na saad niya. Napakalamig ng boses niya, walang kahit anong bahid ng emosyon.

Tumingin siya kay mommy. Bigla akong kinabahan sa paraan ng pagtitig niya. "Oo nga pala, iyong restaurant ng kapatid mo. Hindi ba kay daddy na pera ang pinatayo niyo do'n? Hindi niyo naman siguro mamasamain kung babawiin ko 'yon, 'di ba?"

Napailing-iling na lamang ako sa labis na panglulumo. Ang tigas niya. Ang tigas-tigas ng puso niya.

"Kung iyon ang gusto mo. Kung iyon ang magiging kabayaran para hindi mo na pahirapan si Clionna, sige, ibabalik ko sa'yo. Bukas na bukas sasabihin ko sa kapatid ko na asikasuhin niya ang lahat," walang takot na pahayag ni mommy.

Mahigpit akong kumapit sa braso niya. "No! No, mommy. Please!"

Iyak ako nang iyak kay mommy habang yumayakap ako sa kanya. Nakita ko sa mata niya na tila buo na ang desiyon niya. Lalong lumakas ang paghagulgol ko.

Alam ko kung gaano kahalaga kay mommy ang restaurant na 'yon. Tumulong si daddy sa pagdedesenyo nito at ito na lamang ang naiwan na alaala ni daddy sa kanya. Hindi maaatim ng sikmura ko na mawala kay mommy ang bagay na iniingatan nilang dalawa ni uncle.

Nanginginig ang buong katawan ko nang lumuhod ako sa harap ng kapatid ko. Sinubukan pa akong patayuin ni mommy, pero para akong walang buhay sa harap nila. Nanatili ako sa gano'ng posisyon ko.

Pagod na pagod na ako. Ayoko na. Lagi na lang ako ang pinoprotektahan nila. Lagi na lang ibang tao ang nagsu-suffer para sa akin.

This has to stop. I'll end it here.

Ayoko nang hilingin ang kaligayahan ko kung napakalaki naman pala ang magiging kapalit nito.

"S-Sasama na ako pagbalik mo sa Canada. Susundin ko na ang lahat ng gusto mo...Hinding-hindi na kita uulit susuwayin. Basta ipangako mo sa akin, wala kang gagawin kina mommy. Wala kang gagawin sa mga kaibigan ko. Wala kang gagawin kay CK. Ipangako mo na hinding-hindi mo sasaktan ang mga importanteng tao sa mundo ko."

Next chapter